Advertisement
-
Talambuhay ni Emilio Jacinto
Si Emilio Jacinto ay isang rebolusyonaryong Pilipino noong panahon ng Himagsikan (1896) na naging isa sa mga magagaling na lider ng Katipunan. Ang kanyang katalinuhan ay napakinabangan noong panahon ng rebolusyon. Siya ang tinaguriang "Utak ng Katipunan". Siya ang nagsulat ng Kartilya ng Katipunan at nag-edit ng Kalayaan--ang dyaryo na ginamit ng Katipunan sa pagpapamahagi ng impormasyon.
Siya ay isinilang noong Disyembre 15, 1875 sa Trozo, Maynila. Ang kanyang mga magulang ay sina Mariano Jacinto at Josefa Dizon. Solong itinaguyod ng ina ni Emilio bilang isang kumadrona ang buhay nila mula nang mamatay ang kanyang ama. Dahil sa kahirapan, si Emilio ay tumira sa kanyang tiyuhin. Si Emilio ay nag-aral sa Colegio de San Juan de Letran at kumuha ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas subalit ito ay natigil nang siya ay sumapi sa Katipunan noong 1896.
Sa edad na 19, siya ay naging isa sa mga pinuno ng Katipunan at naging tagapayo, kalihim at piskal ni Andres Bonifacio. Nang mamatay si Bonifacio, ipinagpatuloy ni Jacinto ang paglaban sa mga Kastila bagamat hindi siya sumali sa puwersa ni Emilio Aguinaldo. Sa isang sagupaan sa Majayjay, Laguna, si Jacinto ay lubhang nasugatan at binawian ng buhay sa sakit na malaria noong ika-16 ng Abril, 1899 sa edad na 23.
0 comments: